Øvelse 1 // Ehersisyo 1

Trygg plass

Om øvelsen // Tungkol sa ehersisyo – isang ehersisyong pampag-iisip
– en tenkeøvelse


Ito ay isang ehersisyo para sa pagre-relaks at kung saan ginagamit natin ang imahinasyon upang lumikha ng isang lugar kung saan tayo maaaring makaramdam ng seguridad, kapayapaan, at saya. Ang ehersisyong ito ay tungkol sa paglilikha ng isang ligtas na lugar sa ating isipan. Ang pag‑visualize ay nangangahulugang pag‑iisip o pag‑imahen kung paano maaaring magmukha o maramdaman ang isang bagay. Nakakatulong ito sa katawan na kumalma at mabawasan ang stress.

Mahalagang pagpraktisan ang ehersisyong ito upang maging epektibo ito. Maaaring tumagal nang kaunti bago natin matagpuan ang ligtas na lugar sa ating isipan. Kapag mas mataas ang antas ng stress, mas nagiging mahirap hanapin ang ligtas na lugar na ito at mas mahirap ding kumalma.


Sa ehersisyong ito, gagamitin mo ang iyong imahinasyon na humanap ng isang lugar kung saan maaari ka maging kalmado, panatag ang loob at masaya. Maaari itong isang lugar na napuntahan mo na. O maaari rin itong maging isang lugar na likha ng iyong imahinasyon. Nakapili ka na ba ng lugar? Sige, susubukan nating gamitin ang lugar na napili mo. Titingnan natin kung gumagana ito para sa iyo.

Siguraduhing komportable ang iyong pagkakaupo. Ipikit ang iyong mga mata, o tumingin sa baba sa iyong mga sapatos. Huminga nang malalim nang ilang beses. Isipin mo ang isang lugar kung saan nararamdaman mong panatag ang loob, kalmado at masaya ka. Isipin mong nakatayo o nakaupo ka sa lugar na iyon. Nakikita mo ba ang sarili mo doon? Tumingin ka sa paligid ng iyong lugar. Ano ang nakikita mo? Ano ang malapit sa iyo? Pagmasdan mo ang mga detalye. Pansinin mo ang iba’t ibang kulay.

Isipin mong inuunat mo ang iyong kamay at hinahawakan ang isang bagay. Ano ang nararamdaman mo sa paghawak nito? Ngayon, tumingin ka nang kaunti sa malayo. Ano ang nakikita mo doon? Subukan mong tingnan ang iba’t ibang kulay at hugis. Ito ang iyong espesyal na lugar, at maaari mong isipin ang kahit ano na gusto mong nasa lugar na ito.

Kapag nasa lugar ka na iyon, nakakaramdam ka ng kapayapaan at pagiging relaks. Isipin mong naglalakad ka nang walang sapatos, ang mga paa mo ay nakadikit sa lupa. Ano ang pakiramdam mo sa lupa? Maglakad nang dahan-dahan at subukang pansinin ang mga bagay sa paligid. Tingnan mo kung ano ang hitsura ng mga ito at pakiramdaman mo. At ano naman ang naririnig mo? Marahil mahihinang tunog ng hangin, o mga ibon, o dagat.

Nararamdaman mo ba ang mainit na sikat ng araw sa iyong mukha? Ano ang naaamoy mo? Marahil amoy-dagat, o mga bulaklak, o baka naman amoy ng paborito mong pagkain? Sa espesyal na lugar na ito, maaari mong makita ang anumang bagay na nais mo, maaari mo itong hawakan, maamoy, at makarinig ng magagandang tunog. Habang unti-unti kang kumakalma, mararamdaman mong nagre-relaks ang iyong katawan, nagiging payapa ang iyong isipan. Nagre-relaks ang buong pagkatao mo. Nakakaramdam ka ng kapayapaan at saya.

Ngayon, isipin mong may isang tao na kasama mo sa iyong espesyal na lugar. Isa itong mabuting kaibigan, isang taong mabait, matatag at maaasahan. Nandiyan siya upang tulungan ka at alagaan ka. Isipin mong naglalakad kayo nang dahan-dahan at magkasamang iniikot at ginagalugad ang iyong espesyal na lugar. Masaya ka dahil magkasama kayo. Ang taong ito ay tagatulong sa iyo, at mahusay siyang maghanap ng solusyon sa mga problema.

Tumingin ka muli sa paligid sa iyong imahinasyon. Pagmasdan mo nang mabuti. Tandaan mo na ito ay iyong espesyal na lugar. Palagi itong nandiyan. Maaari kang bumalik dito anumang oras kapag nais mong makaramdam ng kapayapaan, katiwasayan at saya. Nandiyan din ang iyong tagatulong tuwing kakailanganin mo siya.

Ngayon, huminga ka nang malalim, at ihanda ang sarili mong buksan ang mga mata at pansamantalang iwan ang iyong espesyal na lugar. Maaari kang bumalik doon anumang oras na gusto mo. Dahan-dahan, dahan-dahan, pansinin mo ang nararamdaman mo dito at ngayon. Pansinin mo ang upuang inuupuan mo at pakiramdaman ang mga paa mo sa sahig. Gumalaw ka nang marahan at iunat ang iyong mga binti at braso. Kapag handa ka na, buksan mo ang iyong mga mata. At kapag ginawa mo ito, pansinin na ang pakiramdam mo ay kalmado, relaks at masaya.