Hinduismen // Hinduismo
Ang hinduismo ay isa sa mga pinakalumang relihiyon sa mundo. Ang nananampalataya sa hinduismo ay tinatawag na hindu. Ang hinduismo ay pangatlong pinakamalaking relihiyon sa mundo.

Taong nakaupo sa kanyang banka sa Ilog Ganghes sa bayan ng Varanasi sa India.
Paniniwala
Ang mga hindu ay naniniwala na ang lahat sa sandaigdigan ay may koneksiyon o kaugnayan. Ang mga tao, hayop at halaman ay may mga naka-akdang gawain at ito ay tinatawag na dharma.
Naniniwala ang mga Hindu na ang lahat ng isinilang ay namamatay at muling isisilang. Ito ay tinatawag na muling pagsilang. Ito ay tinutukoy bilang samsara. Kung namumuhay ka nang maayos, maiiwasan mo ang muling pagsilang. Ikaw ay magiging malaya mula sa buhay sa lupa at maaaring mamuhay kasama ang mga diyos. Ito ay tinutukoy na moksha.
Mga Diyos
Mayroong ilang milyong diyos at maraming iba’t ibang tradisyon at kwento sa Hinduismo. Ang ilang diyos ay mahalaga tulad halimbawa ni Brahma, Vishnu at Shiva. Si Brahma ang diyos na lumikha ng mundo at namumuno sa lahat ng nilikhang bagay. Si Vishnu ay ang diyos na nangangalaga sa mundo at kumokontrol sa tadhana ng mga tao. Sinisira ng diyos na si Shiva ang lahat ng buhay, ngunit siya rin ang muling lumilikha ng bagong buhay. Bagamat marami ang mga diyos, maaaring sabihin ng isang Hindu na ang lahat ng mga diyos ay sa katunayan isang bersyon ng kaluluwa ng mundo ni Brahman. Ito ay isang puwersa na umiiral sa lahat ng bagay na nabubuhay.

Ang mga diyos na sina Brahma, Shiva at Vishnu
Mga Templo ng Hinduismo
Ang mga templo ay mga espirituwal na bahay para sa mga Hindu. Magkakaiba kung paano idinisenyo at pinalamutian ang mga templo sa iba’t ibang lugar sa mundo, ngunit ang mga imahe at estatwa ng mga diyos ay karaniwan kahit saang lugar. Ang bawat templo ng Hindu ay itinayo bilang parangal sa isa sa mga diyos, ngunit maaaring mayroon itong mga estatuwa o larawan ng iba pang diyos.

Larawan ng templo ng Jain Bhandasar o Laxmi Nath sa bayan ng Bikaner sa India.

Makikita sa larawan ang isang silid sa Hindu templong Jain Bhandasar o Laxmi Nath sa Bikaner. Sa gitna ng larawan ay isang altar na may mga detalyeng ginto at makukulay na mga dibuho. Ang silid na ito ay ginagamit upang maglingkod sa mga diyos.
Mga Sagradong Kasulatan
Maraming mga sagradong teksto sa Hinduismo. Sinasabi nila kung ano ang tama at mali na dapat gawin sa buhay at kung paano isasagawa ng mga Hindu ang kanilang relihiyon. Marami sa mga teksto ay higit sa ilang libong taong gulang. Maraming Hindu ang nakikinig sa mga sagradong teksto kapag bumibisita sila sa templo. Ang mga Brahmin ang nagbabasa ng mga teksto para sa kanila. Ang Brahmin ay isang pari.


Ang mga sagradong teksto ay sentro sa Hinduismo. Ang mga ito ay ginagamit sa pagpapalaganap ng relihiyon.