Hva er FN? // Ano ang FN?
Ang FN ay ang Norwegian na pangalan ng internasyonal na organisasyong UN o Nagkakaisang Bansa. Ang UN ay ang pinaikling tawag ng United Nations, at ang FN ay ang pinaikling tawag ng De forente nasjoner. Ang gawain ng FN ay panatilihin ang kapayapaan, katarungan, at kooperasyon sa pagitan ng mga bansa sa buong mundo. Itinatag ang FN noong 1945, pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Layunin nitong maiwasan ang pagkakaroon ng mga malalaking digmaan sa hinaharap.
Halos lahat ng bansa sa mundo ay miyembro ng UN. Sila ay nagkasundo na magtulungan upang lutasin ang mga suliranin tulad ng digmaan, kahirapan, sakit, at pagbabago ng klima. Ang kasunduang ito ay tinatawag na UN Charter.
Ang logo ng UN ay may limang bilog at isang puting mapa ng mundo. Sa paligid ng mapa ay may dalawang sanga ng olibo. Ang mga sanga ng olibo ay simbolo ng layunin ng UN na panatilihin ang kapayapaan at lumikha ng seguridad sa buong mundo.
Ipinagdiriwang ang Pandaigdigang Araw ng UN tuwing ika-24 ng Oktubre bawat taon.

Ano ang ginagawa ng UN?
Maraming mahahalagang tungkulin ang UN. Sa ibaba ay mababasa mo ang ilan sa mga ito.
Kapayapaan at kaligtasan
Ang UN ay nagsusumikap para sa isang mundong matiwasay. Minsan ay may nagkakaroon ng alitan sa pagitan ng mga bansa. Sa ganitong mga pagkakataon, maaaring tumulong ang UN sa paghahanap ng mapayapang solusyon. Kung sakaling magkaroon pa rin ng digmaan, maaaring magpadala ang UN ng mga sundalo upang protektahan ang mga tao. Maaari rin silang tumulong na muling itatag ang mga komunidad pagkatapos ng digmaan. Agarang Tulong sa Kagipitan.
Tumutulong ang UN sa mga taong naninirahan sa mga lugar na may digmaan, kalamidad o matinding kahirapan. Maaari silang magbigay ng pagkain, tubig, gamot, at pansamantalang tirahan. Minsan ay tumutulong din ang UN sa mga taong kailangang lumikas.
Mga Karapatang Pantao
Nagsusumikap ang UN na ang lahat ng tao sa mundo ay tratuhin nang patas at may respeto. Gumawa ang UN ng isang talaan na nagsasaad ng mga karapatang dapat taglayin ng bawat tao. Ang talaang ito ay tinatawag na Pandaigdigang Pagpapahayag ng Karapatang Pantao ng UN. Ang mga karapatang pantao ay tumutukoy sa karapatang mamuhay nang ligtas, makapag-aral, magsabi ng sariling opinyon, at pantay na pagtrato anuman ang pagkakakilanlan ng isang tao. Lahat ng bansang kasapi sa UN ay kailangang sumunod sa mga karapatang pantao.
Konbensiyon ng UN ukol sa Karapatan ng Bata
Ang mga bata ay nangangailangan ng dagdag na proteksyon kaya may mas maraming silang karapatan. Ang mga karapatang ito ay tinatawag na Konbensiyon ng UN ukol sa Karapatan ng Bata. Tumatalakay ito sa karapatan ng bawat bata na maalagaan, maging ligtas, at magkaroon ng magandang buhay. Tinitiyak ng UN na sinusunod ng lahat ng bansa ang mga patakaran sa konbensiyon upang matiyak na maayos ang kalagayan ng mga bata saan man sila nakatira.
Mga Sustenableng Layunin ng UN
Ang mga sustenableng layunin ay isang listahan ng 17 layunin para gawing mas mabuti ang mundo para sa mga tao at kalikasan. Ang mga layunin ay para matigil ang kahirapan at masigurong makapag-aral ang lahat. Tumutukoy din ito sa pagtigil ng global na pag-init at sa pangangalaga sa mga hayop, halaman at sa ating planeta.
Pangkalahatang Asembleya ng mga Bansang Nagkakaisa

Ang pinakamahalagang tungkulin ng Pangkalahatang Asembleya ay talakayin kung paano lulutasin ang pinakamalalaking suliranin sa mundo. Sa Pangkalahatang Asembleya, nakaupo ang mga kinatawan mula sa lahat ng bansang kasapi. Bawat bansa ay may karapatang ipahayag ang kanilang opinyon at bumoto sa mga mungkahing solusyon. Ang Pangkalahatang Asembleya ay nagtitipon tuwing taglagas sa gusali ng UN. Ang gusali ng UN ay matatagpuan sa New York, USA.
Bakit Mahalaga ang UN?
Ang UN ay isang mahalagang organisasyon dahil halos lahat ng bansa sa mundo ay nagtutulungan para sa ikabubuti ng mundo. Ang UN ay nagsusumikap na mapanatili ang kapayapaan, itigil ang mga digmaan, tumulong sa mga taong mahihirap o mga taong tumatakas dahil sa gulo, at pangalagaan ang kalikasan at kapaligiran natin. Tinitiyak din nila na ang lahat ng tao, lalo na ang mga bata, ay may karapatan at tinatrato nang patas.