Kristendommen // Kristiyanismo
Ang Kristiyanismo ay nagsimula mahigit 2000 taon na ang nakalilipas sa Gitnang Silangan, sa lugar na ngayon ay Israel at Palestina. Noon, karamihan sa mga tao sa Gitnang Silangan ay mga Hudyo. Ang salitang ‘Kristiyanismo’ ay nagmula kay Hesukristo.
Ang Kristiyanismo ang pinakamalaking relihiyon sa mundo. Ang mga taong naniniwala at sumusunod sa Kristiyanismo ay tinatawag na mga Kristiyano. May humigit-kumulang 2.3 bilyong Kristiyano sa buong mundo. Tulad ng mga Hudyo at mga Muslim, naniniwala rin ang mga Kristiyano na iisa lamang ang Diyos. Dahil dito, tinatawag na mga monoteistikong relihiyon ang tatlong relihiyong ito.
Sa paglitaw ng Kristiyanismo, lumawak ang relihiyon patungo sa iba’t ibang direksyon. Karaniwang hinahati ang Kristiyanismo sa tatlong pangunahing sangay: ang Simbahang Katolika, ang Simbahang Ortodokso, at ang Simbahang Protestante. Ang karaniwang katangian sa lahat ng sangay na ito ay itinuturing nilang banal ang Bibliya at naniniwala sila na si Hesukristo ay anak ng Diyos.
Ang pananampalataya
Ang mga Kristiyano ay nainiwala sa isang Diyos na umiiral sa tatlong anyo: ang Diyos Ama, si Hesus at ang Espiritu Santo. Ito ay tinatawag na Santisima Trinidad.
Ayon sa Bibliya, nilikha ng Diyos ang mundo, at si Hesus ang kanyang anak. Si Hesus ang pinakamahalagang propeta sa Kristiyanismo. Siya ay isinugo upang turuan ang mga tao tungkol sa Diyos at bigyan sila ng pag-asa. Ikinukuwento sa Bibliya na si Hesus ay namatay sa krus at muling nabuhay mula sa mga patay. Ang Espiritu Santo naman ang nagbibigay ng gabay, lakas, at aliw sa mga nananampalataya.

Ang pananampalataya ay isang mahalagang bahagi ng pang-araw-araw na buhay para sa maraming Kristiyano. Maaari silang manalangin araw-araw at magbasa ng Bibliya. Maaari silang lumahok sa mga misa sa simbahan at iba pang aktibidad ng simbahan. Mahalaga sa Kristiyanismo ang pag-ibig sa kapwa, kapatawaran, at malasakit. Hinihikayat ang mga Kristiyano na magboluntaryo at tumulong sa mga taong nangangailangan.
Mga banal na tao
Sa Kristiyanismo, maraming tao ang itinuturing na mga santo o may espesyal na kahalagahan. Itinuturing silang mga huwaran dahil sa kanilang pagiging malapit sa Diyos.
Ang pinakamahalagang tao sa Kristiyanismo ay si Hesus. Ang kanyang ina ay tinatawag na Birheng Maria. Siya ay itinuturing na isang huwaran ng pananampalataya, pagkamasunurin, at mapagpakumbaba. Si Hesus ay may 12 disipulo na kanyang mga tagasunod at mag-aaral. Pagkatapos mamatay ni Hesus, tungkulin ng mga disipulo na ipalaganap ang kanyang mensahe sa mga tao. Dapat nilang ikuwento ang mga sinabi at ginawa ni Hesus habang siya ay nabubuhay sa mundo.
Sa tradisyong Katoliko at Ortodokso, itinuturing ang mga santo bilang mga taong namuhay nang banal at pagiging huwaran. Si Santa Lucia ay isang halimbawa ng isang santo. Tuwing ika-13 ng Disyembre, ipinagdiriwang ang Araw ni Lucia bilang paggunita sa kanya.

Mga banal na aklat
Ang Bibliya ay ang banal na aklat ng Kristiyanismo. Binubuo ito ng Lumang Tipan at Bagong Tipan. Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng mga teksto tungkol sa mahahalagang tao at mga pangyayari mula sa panahon bago isinilang si Hesus. Ang Limang Aklat ni Moises ay bahagi ng Lumang Tipan. Kabilang dito ang mga kuwento ni Abraham at Moises. Ang mga tekstong ito ay mahalaga rin para sa Islam at Hudaismo.
Ang Bagong Tipan ay naglalaman ng mga teksto tungkol sa buhay ni Hesus at kung paano kumalat ang kanyang mensahe. Ang Bagong Tipan ay sentro ng pananampalataya at gawaing Kristiyano.

Bahay ng Diyos
Ang mga Kristiyanong lugar ng pagsamba ay tinatawag na mga simbahan. Ang simbahan ang pinakamahalagang lugar ng pagtitipon para sa mga gawaing panrelihiyon at panlipunan. Dito nagtitipon ang mga Kristiyano para sa panalangin, pag-aaral, at pagsamba. Ginagamit din ang simbahan para sa pagtuturo, pagdiriwang ng mga pista, at iba pang aktibidad na nagpapatibay ng samahan. Ang misa ay pinamumunuan ng isang pari na nagkukuwento at nagbabasa mula sa Bibliya. Ang mga dumadalo ay tinatawag na mga kongregasyon.
Maaaring magkaiba ang laki at disenyo ng mga simbahan. Bilang simbolo ng Kristiyanismo, karamihan sa mga simbahan ay mayroong kahit isang kampanilya at isang krus. Tumutunog ang mga kampana ng simbahan upang ipaalam na may isinasagawang misa o iba pang seremonya sa simbahan.
Mga kapistahan at mga ritwal
Ang ilan sa pinakamahalagang kapistahan sa Kristiyanismo ay ang Pasko, Pasko ng Pagkabuhay, at Pentecostes. Ipinagdiriwang sa mga kapistahang ito ang mahahalagang naganap sa kasaysayan ng relihiyon.
Ipinagdiriwang ang Pasko upang gunitain ang kapanganakan ni Hesus. Maraming mga Kristiyano ang nagdiriwang nito sa pamamagitan ng pagsisimba, pagbibigayan ng regalo at pagdiriwang kasama ang pamilya. Ang Pasko ng Pagkabuhay ay ginugunita upang alalahanin ang pagkamatay ni Hesus sa krus at ang kanyang muling pagkabuhay mula sa libingan. Ang Pentecostes ay ipinagdiriwang upang gunitain ang pagdating ng Banal na Espiritu sa mga disipulo at binigyan sila ng kakayahang magsalita at maunawaan ang lahat ng mga wika. Ang Pentecostes ay itinuturing na simula ng simbahang Kristiyano.
Ang iba’t ibang sangay ng Kristiyanismo ay maaaring may mga magkakaibang ritwal. Ang parehong layunin ng mga ritwal ay tulungan ang mga nanampalataya na maranasan ang pagiging malapit sa Diyos, pagkakaisa, at samahan sa kongregasyon. Ang mga halimbawa ng mga ritwal ng Kristiyano ay ang binyag, komunyon at kumpirmasyon.



