Den kristne påskefortellingen // Ang kuwento ng Pasko ng Pagkabuhay ayon sa mga Kristiyano
Nang lumaki na si Hesus, naglibot siya kasama ang kanyang mga disipulo at ikinuwento nila ang tungkol sa Diyos sa lahat ng kanilang nasasalubong. Si Hesus ay mabait na tao na tumulong sa mga mahihirap at may sakit.
Marami siyang naging kaibigan, pero marami rin siyang mga naging kaaway. May mga pinuno sa bansa na hindi nagustuhan na ang mga tao ay mas nakikinig pa kay Hesus kaysa sa kanila. Natatakot sila na magiging mas makapangyarihan si Hesus kaysa sa kanila.
Linggo ng Palaspas
Isang Linggo bago Araw ng Muling Pagkabuhay, naglakbay si Hesus at ang kanyang mga disipulo papuntang Herusalem para ipagdiwang ang Pasko ng mga Hudyo.
Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga disipulo na maghanap ng asno para sa kanya. Sumakay siya sa asno papuntang Herusalem.
Sinalubong siya roon na parang hari. Sumigaw sila “Hosianna, hosianna, ang ating Hari ay dumating na”. Ang hosianna ay halos kasingkahulugan ng mabuhay o hurra.

Huwebes Santo – ang simula ng komunyong kristiyano
Sa gabing ito, nagsalu-salong kumain si Hesus at ang mga disipulo. Karaniwan noon ang paghuhugas ng mga paa bago pumasok, dahil nakapaa o naka tsinelas lang sila kaya sobrang marurumi ang mga paa. Sa pintuan ng bahay, hinugasan ni Hesus ang mga paa ng lahat ng kanyang mga disipulo. Ginawa niya ito upang ipakita na dapat magtulungan ang bawat isa

Nang sila ay umupo upang kumain, nagsalita si Hesus: “Hindi na magtatagal bago ako hulihin at dapat mamatay.” Sinabi rin niya na alam niya na isa sa mga disipulo ang tutulong sa mga sundalo para mahuli siya.

Isa sa mga alagad ni Hesus na si Hudas ay inakala na si Hesus ay magiging isang mayaman at makapangyarihang hari. Nang makita niyang hindi mahalaga kay Hesus ang pera at kapangyarihan, nagalit siya kay Hesus.
Gabi na nang matapos silang kumain. Isinama ni Hesus ang mga disipulo sa isang hardin. Nanalangin si Hesus sa Diyos doon. Dinala ni Hudas ang mga sundalo sa hardin at itinuro sa kanila kung nasaan si Hesus. Dahil dito nakatanggap siya ng 30 pilak na pera. Alam ni Hesus na gagawin ito ni Hudas, kaya kusang-loob siyang sumunod sa mga sundalo.

Biyernes Santo – pagtatanong, paghatol, pagpako sa krus at paglibing
Naunawaan ni Hesus na siya ay mamamatay. Matagal na itong plano ng Diyos. Mula pa noong pagdating ni Hesus sa lupa, alam niyang mangyayari ito. Siya ay ipinanganak upang tanggapin ang lahat ng parusa para lahat ng mga masasamang ginawa at gagawin ng sangkatauhan. Dumating na ang panahon, dinala si Hesus ng mga sundalo sa kanilang mga pinuno. Hindi sila naniniwala na si Hesus ay anak ng Diyos. Sinabi nila, “Dapat siyang mamatay dahil tinatawag niya ang kanyang sarili na anak ng Diyos.” Ipinako nila si Hesus sa krus sa isang lugar na tinatawag na Kalbaryo. Dito namatay si Hesus.

Ito ay isang karaniwang paraan upang parusahan ang mga kriminal humigit-kumulang na 2,000 taon na ang nakalilipas . Isang malungkot na araw iyon para sa mga disipulo ni Hesus at sa lahat ng kanyang mga kaibigan. Hindi nila alam na ang Diyos ay nagplano ng isang magandang sorpresa para sa kanila. Hindi sila magiging malungkot nang matagal.
Bisperas ng Pasko ng Pagkabuhay – ang libingan ay mahigpit na binabantayan
Pagkamatay ni Hesus, inilagay siya ng kanyang mga kaibigan sa isang kuweba. Ang kuwebang ito ay ibinigay sa kanila ng isang lalaking nag-ngangalang Jose.
Nais ni Jose na matanggap ng anak ng Diyos ang huling regalong ito mula sa kanya. Ipinagulong nila ang isang malaking bato sa harap ng bukana ng kweba. Nagpadala ang pinuno ng dalawang sundalo upang bantayan ang libingan upang walang makapagnakaw sa katawan ni Hesus.

Araw ng Pagkabuhay
Nagkaroon ng lindol madaling araw ng Linggo. Isang anghel ang bumaba mula sa langit at iginulong ang bato na nakasara sa bukana ng kuweba. Nang makita ng mga bantay ang anghel, nanginig sila sa takot at tumakbo palayo.
Hindi nagtagal, dumating si Maria Magdalena, ang isa sa mga kaibigan ni Hesus. Nang makita niyang wala na ang bato, pumasok siya sa kuweba. Nakakita siya ng isang anghel sa loob ng kuweba. Ang anghel ay nagsabi, “Wala rito si Hesus, siya ay buhay! Sabihin mo sa lahat ng kaibigan niya na makikita nila siyang muli!”
Hindi na malungkot si Maria. Si Hesus ay hindi patay. Siya ay buhay! Tumakbo siya pabalik upang ikuwento ang magandang balita.

Lunes ng Pasko ng Pagkabuhay
Noong una walang isa sa mga disipulo ni Hesus ang naniwala sa sinabi ni Maria Magdalena. Ngunit tama siya! Sa ikalawang araw ng Pasko ng Pagkabuhay, bumalik si Hesus upang makipagkita sa kanila Siya ay tunay na nabuhay muli, mula sa mga patay!
Pag-akyat sa langit
Pagkaraan ng apatnapung araw, dinala ni Hesus ang kanyang mga disipulo sa isang lugar na malapit sa isang malaking bundok. Itinaas niya ang kanyang kamay at pinagpala sila. “Ikuwento sa lahat ng mga tao ang tungkol sa akin,” sabi niya. Pagkatapos ay umakyat siyang muli sa langit.
Tinatawag natin itong Araw ng Pag-akyat sa Langit. Tinakpan siya ng ulap kaya hindi na nila siya nakita. Matagal silang nakatayo habang nakatingin sa langit.
Biglang may dalawang anghel na tumayo sa gitna nila. “Bakit nakatayo pa rin kayo at nakatingin sa ulap?” ang tanong nila. “Si Hesus ay umakyat sa langit. Balang araw babalik din siya tulad ng paraang pag-iwan niya sa inyo.”
Bumalik sa lungsod ang mga disipulo na may kagalakan sa kanilang mga puso. Maraming bagay ang itinuro sa kanila ni Hesus. Lagi nilang naaalala ang sinabi niya, “Huwag kang mag-alala o matakot. Magtiwala kayo sa Diyos at magtiwala kayo sa akin. Sa bahay ng Diyos ay maraming silid. Ihahanda ko ang isang lugar para sa iyo. Isang araw ay babalik ako at kukunin kita upang ikaw ay makasama ko kung nasaan ako.”

Illustrajoner fra Adobe Stock