FN – en møteplass for fred // FN – Tagpuang Lugar para sa Kapayapaan
Itinatag ang FN o Nagkakaisang Bansa noong 1945 pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Umaasa noon na ang isang pandaigdigang organisasyon ay maaaring magsilbing kasangkapan upang maiwasan ang mga digmaan sa hinaharap at para sa pangmatagalang kapayapaan. 51 bansa ang lumagda sa isang kasunduan na tinatawag na UN Charter o Kasunduan ng FN. Ang kasunduang ito ay opisyal na nagkabisa noong ika-24 ng Oktubre1945, kaya’t ipinagdiriwang ang Araw ng FN tuwing ika-24 ng Oktubre. Sa kasalukuyan, halos lahat ng bansa sa mundo ay kasapi na ng FN.


Ang Kalihim-Heneral
Ang FN ay pinamumunuan ng isang Kalihim-Heneral. Ang Kalihim-Heneral ay itinalaga ng Pangkalahatang Asembleya para sa limang taon bawat termino. Ang pangunahing responsibilidad niya ay mamuno sa pang-araw-araw na gawain ng FN. Isa pang mahalagang tungkulin niya ay ang makipag-ugnayan sa pulitika upang maiwasan na magsimula, lumala, o kumalat ang mga alitan. Dapat din niyang talakayin ang mga suliraning maaaring magbanta sa pandaigdigang kapayapaan kasama ang Konseho ng Seguridad.
Ang Gawain ng FN
Ang FN ay isang malaking organisasyon na binubuo ng iba’t ibang sangay na may responsibilidad sa iba’t ibang larangan na pinagtutuunan ng pansin ng FN. Maaaring hatiin ang gawain ng FN sa tatlong pangunahing larangan: kapayapaan at seguridad, karapatang pantao, at sustenableng kaunlaran.
Kapayapaan at Seguridad
Ang Konseho ng Seguridad ng FN ang may pangunahing responsibilidad para sa kapayapaan at seguridad. Ang pangunahing tungkulin ng Konseho ng Seguridad ay panatilihin ang kapayapaan at seguridad sa buong mundo. Kapag ang kapayapaan ay nanganganib, karaniwang hinihikayat ng Konseho ng Seguridad ang mga panig na maghanap ng mapayapang solusyon, kabilang ang pag-uudyok ng mga hakbang sa pamamagitan ng pakikipagkasundo. Maaari rin itong magpatupad ng mga desisyon sa pamamagitan ng pag-utos ng mga ekonomikong parusa o pagsasagawa ng aksyong militar. Isang halimbawa ng aksyong militar ay ang mga hukbong pangkapayapaan ng FN na binubuo ng mga sundalong ipinahiram mula sa iba’t ibang bansang kasapi.
Ang Konseho ng Seguridad ay binubuo ng mga kinatawan mula sa 15 kasaping bansa. Lima sa mga bansang ito ay permanenteng miyembro, habang ang iba ay nahahalal tuwing dalawang taon. Ang Estados Unidos, United Kingdom, Pransya, Rusya, at Tsina ay mga permanenteng miyembro. Sa FN, tanging ang Konseho ng Seguridad lamang ang may kapangyarihang gumamit ng puwersang militar, at ang lahat ng kasaping bansa ay may tungkuling sundin ang mga desisyon ng Konseho ng Seguridad.
Mga Karapatang Pantao
Isa pang pangunahing larangan ng FN ay ang pagtaguyod at pagpapalaganap ng mga pangunahing karapatan ng bawat tao. Pinagtibay ng FN noong 1945 ang ‘Pandaigdigang Deklarasyon ng Karapatang Pantao na kilala rin bilang Deklarasyon ng Karapatang Pantao. Ang lahat ng mga bansang kasapi ay may obligasyong tiyakin na ang mga karapatang pantao ay iginagalang at sinusunod.
Sinusubaybayan ng FN ang kalagayan ng karapatang pantao sa buong mundo at tinitiyak na nagpupulong ang mga miyembrong bansa upang mapanatili at mapalakas ang mga karapatang pantao.
Sustenableng Kaunlaran
Ang ikatlong pangunahing larangan ay sustenableng kaunlaran. Ang buod ng gawaing ito ay Sustenableng Layunin ng Kaunlaran ng FN. Mayroong 17 layunin, kabilang ang pagtigil sa pagbabago ng klima, pagsugpo ng kahirapan at gutom, at pagsiguro ng pagkakapantay-pantay at dekalidad na edukasyon. Hangarin ng FN na makamit ang mga layuning ito bago ang taong 2030.
Pangkalahatang Asembleya
Ang Pangkalahatang Asembleya ay nagtitipon sa mga sesyon bawat taon. Karaniwang tumatagal ang isang sesyon mula Setyembre hanggang Disyembre. Binubuo ang Pangkalahatang Asembleya ng mga kinatawan mula sa lahat ng bansang kasapi, at ang pangunahing tungkulin nito ay magbigay ng mga rekomendasyon sa mga miyembrong bansa hinggil sa mga usaping may kaugnayan sa internasyonal na kooperasyon, kapayapaan at seguridad, kaunlaran, at karapatang pantao. Ang mga rekomendasyong ito ay tinatawag na mga resolusyon. Malaki ang kahalagahan ng isang resolusyon ng FN. Bagaman ito ay isang rekomendasyon lamang sa mga miyembrong bansa, itinuturing ito bilang tinig ng pandaigdigang opinyon. Kinakailangan ang dalawang-katlong o 2/3 na boto upang maipasa ang isang resolusyon sa Pangkalahatang Asembleya. Bawat bansang kasapi ay may isang boto, at pantay ang halaga ng bawat boto.
Mga Organisasyon sa FN
Ang FN ay binubuo ng iba’t ibang mga organisasyon, pondo at mga programa na nagsasagawa ng mga gawain ng FN. Ilan sa mga ito ay:

UNICEF – Pondo ng FN para sa mga Bata. Nagsusumikap sila upang tulungan ang mga bata sa buong mundo. Ang pangunahing dokumento ng UNICEF ay tinatawag na Konbensyon ng FN ukol sa mga Karapatan ng Bata. Itinatakda ng konbensyon na ang mga bata ay may karapatang tumanggap ng espesyal na proteksyon.

UNESCO – Organisasyon ng FN para sa edukasyon, agham, kultura at komunikasyon. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga larangang ito, layunin ng UNESCO na magtaguyod ng kapayapaan at seguridad. Nais nilang magbigay ng impormasyon, magbigay-inspirasyon at hikayatin ang mga tao upang itaguyod ang pag-unawa at paggalang sa isa’t isa at sa ating planeta

WHO – Pandaigdigang Organisasyon sa Kalusugan. Nagsusumikap sila upang matiyak na ang lahat ng tao ay magkaroon ng pinakamainam na kalagayan ng kalusugan na maaaring makamit. Tungkulin ng WHO na subaybayan, magsaliksik at magbigay ng maaasahang impormasyon tungkol sa kalusugan at mga sakit. Halimbawa, ang WHO ay aktibong nagpasimuno sa pagbuo ng mga bakuna laban sa mga mapanganib na sakit.

OHCHR – Mataas na Komisyoner ng FN para sa Karapatang Pantao. May pananagutan sila sa pagtataguyod at pangangalaga ng lahat ng karapatang pantao at kalayaan na itinatakda sa Pandaigdigang Pagpapahayag ng Karapatang Pantao ng FN.
Ito ay mga halimbawa ng ilang gawain ng FN. Sang-ayon ang buong mundo na ang FN ang pinakamahalagang tagpuang-lugar ng pagpupulong kung saan maaaring mag-usap ang lahat ng mga bansang kasapi upang magkaisa sa mga patakarang dapat sundin sa pandaigdigang pulitika.
Pagsasanay gamit ang mga salita sa teksto

Arbeidsoppgaven inneholder sentrale ord i den norske teksten.
- Oversett ordene ved hjelp av LEXIN.
- I høyre kolonne er ordet brukt i en setning som finnes i teksten. Oversett eller forklar hva setningen betyr.
Kilder
- Fn-sambandet, https://fn.no/
- NDLA, FN – en verdensorganisasjon for fred – Samfunnskunnskap – NDLA