Fornybare energikilder // Mapagkukunan ng napapalitang enerhiya
Gumagamit tayo ng kuryente araw-araw. Marami tayong mapagkukunan ng kuryente. May dalawang uring mapagkukunan ng enerhiya: mga mapagkukunan ng napapalitang enerhiya at mga mapagkukunan ng hindi napapalitang enerhiya. Titingnan natin sa tekstong ito ang mga mapagkukunan ng napapalitang enerhiya.
Kapag ang pinagkukunan ng enerhiya ay napapalitan, ang ibig sabihin ay hindi ito kailanman mauubos. Ang bagong enerhiya ay patuloy na nalilikha sa pamamagitan ng mga natural na proseso ng kalikasan. Ang mga halimbawa ng mapagkukunan ng ganitong enerhiya ay enerhiyang galing sa tubig, hangin at araw. Ang tatlong mapagkukunan ng enerhiya ay kumukuha ng enerhiya sa araw. Nagbibigay ang araw ng enerhiya sa tatlong mapagkukunan natin ng enerhiya sa iba´t ibang paraan.
Lakas ng Tubig o enerhiyang galing sa tubig
Ang lakas ng tubig ay enerhiyang galing sa umaagos na tubig. Maraming umaagos na tubig sa mga talon at ilog sa Norway, at ang mga ito ay mapapakinabangan para lumikha ng enerhiya. Ang araw ang dahilan kaya ang tubig sa mundo ay gumagalaw. Pinapainit ng araw ang tubig kaya ang tubig ay sumisingaw. Pagkatapos, ang tubig ay naiipon sa ulap, at bumabalik sa lupa bilang ulan. Sa lupa naman, ang ulan ay umaagos sa talon at ilog at bubulwak sa dagat.
Lakas ng hangin o enerhiyang galing sa hangin
Pinapainit ng araw ang hangin kaya ang hangin ay gumagalaw. Mararamdaman natin ito bilang hangin. Ang hangin na gumagalaw ay magagamit natin para lumikha ng enerhiya. Mapapakinabangan natin ang enerhiyang ito kapag nagpatayo ng mga gilingang-hangin o windmill. Ang mga gilingang-hangin ay hindi bagong tuklas, pero ito ay matagal nang ginagamit tulad ng paggiling ng palay at paggawa ng harina.
Enerhiyang galing sa araw
Ang enerhiyang galing sa araw ay magagamit para painitin ang tubig at mga bahay na ating tinitirhan. Ang enerhiyang galing sa araw ay magagamit din para gumawa ng kuryente sa pamamagitan ng tinatawag na solar cells.