Dom og straff // Hatol at Parusa
Isang umaga, natuklasan ni Erik na may nagnakaw ng kanyang sasakyan. Nakakuha siya ng pahiwatig na si Jonas ang magnanakaw.
Kapag may lumabag sa batas, trabaho ng pulis na imbestigahan ang kaso. Ibig sabihin nito ay sinusubukan nilang alamin kung ano ang nangyari. Nakikipagusap sila sa mga tao kung may nakakita ba o nakarinig sa mga pangyayari at sinusuri nila ang pinangyarihan ng krimen, ito ang lugar kung saan naganap ang krimen.
Naniniwala ang pulisya na mapapatunayan nila na ninakaw ni Jonas ang sasakyan. Kaya isasampa ang kaso para pagpasiyahan kung ito ay tama. Ang kaso ay ginaganap sa korte o hukuman. Mayroong iba’t ibang uri ng hukuman sa Norway. Ang pinakamababang hukuman ay tinatawag na Hukuman ng Distrito. Dito ay sinusubukan ng tagausig na siyang kinatawan ng pulisya sa paglilitis, na patunayan na nagkasala si Jonas. May kasamang abogado si Jonas na magtatanggol sa kanya sa paglilitis. Ang tagausig at tagapagtanggol ay parehong may kasamang mga saksi na tutulong sa kanila para malaman kung ano ang nangyari.
Ang mga hukom ang magdedesisyon kung nagkasala o hindi si Jonas at kung anong parusa ang dapat ibigay sa kanya. Ang mga hukom ay dalubhasa sa mga batas at regulasyon.
Kapag hindi nasiyahan si Jonas at ang kanyang tagapagtanggol na abogado sa resulta, maaari silang mag-apela mula sa Hukuman ng Distrito hanggang sa Hukuman ng Apela. Maaari rin itong gawin ng tagausig. Pagkatapos ay magkakaroon ng bagong proseso. Bukod sa mga hukom ay mayroon din karagdagan na hurado sa Hukuman ng Apela. Ito ay mga karaniwang tao na tumutulong sa pagpapasiya kung ang nasasakdal ay nagkasala at kung gaano katagal ang dapat ibibigay na sentensiya.
Sa Norway ay may isa pang hukuman, ang Korte Suprema. IIsa lang ito para sa buong bansa at mga hindi pangkaraniwang kaso lamang ang maaaring iapela rito. Halimbawa, kung sa iyong palagay, ang konstitusyon o karapatang pantao ay nilabag.
Mayroong iba’t ibang uri ng parusa na katumbas sa paglabag sa batas. Karaniwang nagbabayad ng multa kapag hindi malubha ang pagkakasalang nagawa. Magbabayad ka ng pera sa estado bilang parusa. Maaari ka ring masentensiyahan na magtrabaho para sa lipunan nang walang bayad na may nakatakdang panahon. Ito ay tinatawag na lingkod-bayan. Ang mga mabibigat na pagkakasala ay maaaring parusahan ng pagkakulong.
Sa Norway ay walang parusang bitay o habambuhay na pagkakakulong. Ang pinakamabigat na parusa na maaaring makuha sa Norway ay 21 taong pagkakulong. Ngunit ang ilang mga bilanggo ay masyadong mapanganib sa lipunan kapag pinalaya pagkatapos ng 21 taon. Maaari silang masentensiyahan muli ng pagkakulong at hindi pakakawalan hangga’t hindi ligtas ang lipunan.
Ang mga batang wala pang 15 taong gulang ay hindi maaaring masentensiyahan ng pagkakulong sa Norway.
Ordliste
Norsk | Filipino |
Etterforske Undersøke hva som har skjedd | Mag-imbestiga Imbistigahan kung ano ang nangyari |
Åsted Der noe ulovlig har skjedd | Pinagyarihan ng krimen Kung saan may nangyaring ilegal |
Dommer De som avgjør om loven er brutt i en rettssak | Mga Hukom Ang mga magpapasya sa isang kaso sa korte kung nilabag ang batas |
Anke Søke om å få en ny rettssak | Apela Pag-aplay para sa panibagong paglilitis ‘ |
Tekst og bilde er gjengitt og oversatt med tiltatelse fra Bergen kommune og zmekk.no